SINTAHANG ROMEO AT JULIET
ni William Shakespeare
Mula sa Inglatera
PAGKILALA SA MAY-AKDA:
Si William Shakespeare ay isang Ingles na makata, manunulat at dramatista. Itunuturing na isa sa pinakamahusay sa mga manunulat sa wikang ingles at tanyag sa daigdig ng literatura. Itinuturing siyang maestro sa paggawa ng soneta at mga dula. Ilan sa mga isinulat niyang popular na dulang trahedya ay ang Hamlet, Othelio, King Lear, Romeo at Juliet at ang Macbeth. Ang kaniyang mga dula ay isinalin sa iba’t ibang wika at ipinalalabas sa iba’t ibang bersiyon hanggang sa kasalukuyan.
Ang pangunahing pinagkukunan ni Shakespeare para kay Romeo at Juliet ay isang tula ni Arthur Brooke na tinatawag na The Tragicall Historye ng Romeus at Iuliet, na isinulat noong 1562. Maaaring kilala rin niya ang popular na kuwento ni Romeo at Juliet mula sa isang koleksyon ni William Painter, na pinamagatang The Palace of Pleasure , na isinulat bago ang 1580. Samantalang ang iba naman ay nagsasabing dahil sa kanyang murang edad ay gusto nitong mag eksperimento ng iba't ibang mga ideya na hindi pa namamalas sa mga dula noong panahon na iyon. Tulad ng ideya ng malaking pagkakaiba ng pag-ibig at pagkamuhi. Ang pagganap sa mabuti at masama.
URI NG PANITIKAN:
Ang Sintahang Romeo at Juliet ay isang dula na mula sa Inglatera.Ang Dula ay akdang pampanitikan na ang layunin ay maitanghal sa pamamagitan ng pananalita, kilos, at galaw ang kaisipan ng may-akda.
LAYUNIN NG AKDA:
Ipinapakita ng akda ng kahit ano pa ang uri o kalagayan ng pamumuhay ay maaaring magmahal ng wagas sa kabila ng mga suliraning kinakaharap.
TEMA O PAKSA NG AKDA:
Ang pagkakaroon ng wagas na pag-ibig hanggang kamatayan.
MGA TAUHAN/KARAKTER SA AKDA:
Romeo - mula sa pamilya ng mga Montague
Juliet - nag-iisang anak ng mag-asawang Capulet
Tybalt - pinsan ni Juliet
Capulet - ama ni Juliet
Nars - ang tagapag-alaga ni Juliet
Padre - ang nakakaalam ng relasyon nina Romeo at Juliet
Baltazar - pinagkakatiwalaang kaibigan ni Romeo
Butikaryo - gumagawa ng lason.
TAGPUAN/PANAHON:
- Sa bulwagan ng mga Capulet kung saan may nagaganap na kasiyahan.
- Sa tahanan ng mga Capulet kung saan palihim na nagpunta si Romeo.
- Sa simbahan kung saan kausap nina Romeo at Juliet ang pari.
NILALAMAN/BALANGKAS NG MGA PANGYAYARI:
- Sa unang tagpo ipinakita kung ano ang saloobin ng dalawang pangunahing tauhan.
- Sa ikalawang tagpo naman ipinamalas kung saan at paano nagtagpo sina Romeo at Juliet.
- Sa ikatlong tagpo naman naganap ang pagpapahayag ng nararamdaman nina Romeo at Juliet sa isa't isa.
- Sa ikaapat na tagpo naman ang pagkikita nina Romeo at Juliet sa simbahan kasama ang isang pari.
- Sa ikalimang tagpo naman ay nagtungo si Juliet para mangumpisal sa pari.
- Sa ikaanim na tagpo nakita ng nars ang halos walang buhay na si Juliet.
- Sa ikapitong tagpo nalaman ni Romeo ang nangyari kay Juliet kaya humanap siya ng taong gumagawa ng lason.
- Sa ikawalo at huling tagpo naman naganap ang pinakamatinding trahedya sa pagmamahalan nina Romeo at Juliet nang inumin ni Romeo ang lason at sa muling pagmulat ni Juliet ay nakita ang bangkay ni Romeo kaya itinarak niya ang balaraw sa kanyang dibdib.
MGA KAISIPAN O IDEYANG TAGLAY NG AKDA:
Ang pag-iibigan nina Romeo at Juliet na humantong sa kamatayan ay nagdulot ng pagkakasundo ng kanilang mga pamilya. Isang trahedya na nagbunga ng isang magandang pangyayari.
ISTILO NG PAGKAKASULAT NG AKDA/TEORYANG PAMPANITIKAN:
Ang estilo ng pagkakasulat ng akda ay padayalogo o pagpapalitan ng mga salita ng mga tauhan sa dula upang mas madaling maunawaan ng mga mambabasa ang damdamin ng bawat tauhan na nagbibigay naman ng kakaibang kaisipan ng mga mambabasa nito.
TEORYANG PAMPANITIKAN:
- Romantisismo dahil ipinakita ang wagas na pag-iibigan nina Romeo at Juliet.
- Klasismo dahil sa mga kaganapan noon na nararanasan natin hanggang ngayon.
- Realismo ang pagkakaroon ng ‘di pagkakaunawaan ng kanilang mga pamilya.
- Feminismo dahil tinatanggalan si Juliet ng kalayaang magpasiya para sa sarili ng kanyang mga magulang.
- Eksistensyalismo dahil nagdesisyon sila na ipaglaban pa rin ang kanilang pagiibigan.
- Marksismo dahil sa alitan ng kanilang mga magulang.
- Sosyolohikal dahil sa pagpipilit ng mga magulang ni Juliet na ipakasal siya sa ibang lalaki.
- Dekonstruksyon dahil sila ay nagpakamatay sila sa halip na harapin at umamin sa kanilang mga magulang.
BUOD:
Habang nagaganap ang kasiyahan sa bulwagan at habang si Juliet ay nakikipagsayaw ay nakita siya ni Romeo mula sa hanay ng mga kababaihan. Nabihag ng kagandahan ni Juliet ang puso ni Romeo.
Si Romeo naman ay hindi napigilan ang sarili at nilapitan si Juliet at hinagkan ang kamay nito at mula noon ay palihim na nagpupunta si Romeo sa tahanan ng mga Capulet para makita ang sinisintang dalaga na nabighani na rin sa taglay na katangian ng binata. Nagpasya ang magkasintahan na magpakasal sa kabila ng pagkakaalit ng kani-kanilang pamilya.
Ipinagkasundo ng mga magulang si Juliet sa ibang lalaki at sa ganitong kadahilanan kaya naman si Juliet ay naisipang magkunwaring patay para makatakas sa kanyang pamilya subalit ito ay hindi nakarating sa kaalaman ni Romeo na dahil sa labis na kalungkutan sa inaakalang kamatayan ng dilag na minamahal ay kinausap niya ang isang butikaryo para sa isang lason na kikitil din sa kanyang buhay. Kaya naman sa muling pagmulat ng mata ni Juliet at nakita ang walang buhay na si Romeo ay kinuha ang isang balaraw at tinarak sa kanyang dibdib.
No comments:
Post a Comment